Umanoy pusher, patay matapos manlaban sa buybust operation sa Batangas City

Lungsod ng Batangas – Patay ang isang hinihinalang tulak ng droga matapos di umanong manlaban at makipagbarilan sa buybust operation ng pulisya sa Barangay Bolbok nitong Miyerkules ng gabi.

Nasawi sa pamamaril ang 37-anyos na suspek na nakilalang si Jomar Marquez alyas Cobra. Habang tinutugis naman si alyas Ericka at isa pang di kilalang lalaking suspek na kapwa tumakas sa gitna ng barilan.

Ayon sa report ng pulisya, pasado alas-4:55 ng hapon nang ikasa ng Drug Enforcement Team ng Batangas City police ang operasyon pero sa gitna ng bentahan ay nakatunog umano ang suspek na si alyas Cobra na pulis ang katransaksyon niyang buyer kayat dali dali siyang bumunot ng baril at nagpaputok sa nasabing pulis pero nagmintis kayat napilitang gumanti ng putok ang mga pulis.

Sa puntong iyon ay tumakbong palayo ang suspek at and mga kasamahan nito at hinabol sila ng mga pulis. Nakipagbarilan ang mga pulis sa suspek na si alyas Cobra hanggang sa tamaan ng bala si Jomar habang nakatakas naman ang dalawa niyang kasamahan.

 

Naisugod pa sa Batangas Medical Center ang suspek subalit idineklara na siyang dead on arrival ng doktor.

 

Nabawi mula sa crime scene ang apat na basyo ng caliber 45 pistol at isang basyo ng super 38. Nabawi naman mula sa bulsa ni alyas Cobra ang isang magazine at 29 basyo ng caliber 45 pistol at isang holster.

About JENNA RODRIGUEZA