Suspendidong pulis na nasa drug watchlist, patay sa ambush

Isang suspendidong pulis na dati nang idinawit sa droga ang patay matapos na pagbabarilin ng riding in tandem sa may Governor Carpio Road, Barangay Kumintang Ilaya, Batangas City nitong Huwebes.

 

Sa CCTV footage na kuha mula sa kalapit na grocery store ay makikitang nakafull stop sa may highway at naghihintay ng go signal ang pampasaherong jeep  kung saan sakay sa drivers seat ang biktima.

 

Maya maya pa’y dumating na ang dalawang lalaking nakamotor at binaril ng backrider ang biktimang si P03 Nestor Dimaano. Matapos ang pamamaril ay inikutan pa nila ang likod ng jeep at tsaka tumakas.

 

Dead on arrival na sa Batangas Medical Center si Dimaano na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan habang patuloy namang nagpapagaling ang 17-anyos na biktima at kapwa pasahero ng jeep na si Mekellah Agustin na nadaplisan ng bala sa mukha.

 

Onsehan sa droga ang isa sa tinitingnang anggulo ng pulisya sa pagpatay sa biktima lalo’t napag-alamang kabilang siya sa drugs watchlist ng istasyon dahil sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa bentahan ng iligal na droga sa lungsod.

 

Pero hindi nila inaalis ang posibilidad na maaaring may kinalaman din umano sa trabaho nito bilang pulis ang motibo sa krimen lalot dati rin siyang nagtrabaho bilang miyembro ng intelligence section ng Batangas City PNP. Nito lamang August 1 ay sinuspinde rin siya ng PNP dahil sa kabiguang magsumite ng kanyang SALN.

 

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa suspek at sa motibo ng pamamaril.

 

Ito na ang pangalawang pagkakataong may tinambangan na pulis sa Batangas City na dating idinawit sa droga mula noong maupo si Pangulong Duterte lalo’t noon lamang July 17 ay binaril din ng di kilalang mga suspek ang pulis na si SP01 Limuel Panaligan sa kanyang minamanehong kotse na dumaan sa pareho ring kalsada ng Barangay Kumintang Ibaba.

 

About Jeremaiah Opiniano