Suspek na riding in tandem sa pamamaril ng tricycle driver, huli

ROSARIO, BATANGAS – Diretso sa kulungan ang riding-in-tandem na suspek sa pamamaril sa isang tricycle driver sa bayang ito matapos na mahuli sa ikinasang checkpoint sa Ibaan ilang oras matapos lamang ang pamamaril nitong Lunes ng umaga.

Huli sa checkpoint ang mga suspek na si Jimmy Montevergen, na itinurong gunman at ang umano’y lookout nitong si Edmer Ravano, na kapwa taga-Pagbilao, Quezon.

Nabawi mula sa kanila ang Rusi 150 motorcycle na ginamit bilang getaway vehicle sa krimen.

Mismong ang biktimang si Aljon Mapalad, na nagtamo ng sugat sa kanang braso at ngayo’y naka-confine sa ospital sa Rosario, ang nagturo sa nasabing mga suspek na siyang nasa likod ng pamamaril sa kanya.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-6:30 ng umaga, tinatahak lamang ng biktima ang kahabaan ng Sitio Cupi sa Barangay Mavalor, Rosario, Batangas nang araw ding iyon nang bigla na lamang siyang lapitan at pagbabarilin ng nasabing mga suspek at tsaka tumakas.

Matapos makatanggap ng report ay agad na nagrequest ang Rosario Police ng checkpoint sa mga karatig-himpilan sa Batangas sa ilalim ng programang Oplan Kalasag at binarahan nila ang mga posibleng exit points ng mga tumakas na suspek.

Tiyempong nakasalubong naman ng hepe ng Ibaan Police na si Police Senior Inspector Ricaredo Dalisay ang motor ng mga suspek, na sa porma at ayos pa lang ay tila tumutugma sa pagkakalarawan ng biktima pati na ang suot na damit ng mga sakay, kayat sinundan niya ito hanggang sa makarating sa checkpoint sa Barangay San Agustin ng nasabing bayan.

Pagdating doon ay pinara ng mga tauhan ng Ibaan police ang suspek pero sa halip na huminto ay dumire-diretso lamang ng takbo ang mga ito kaya’t hinabol at hinarangan ito ng sasakyan ni Dalisay.

Pero pagkahinto ay muli na namang tumakas ang mga suspek lulan ng motor kaya’t hinabol muli ito ng tropa hanggang sa makorner ng tropa ang mga suspek, na walang maipakitang lisensya at iba pang mga dokumentong magpapatunay na legal ang kanilang pagbibiyahe.

Inaresto ng pulisya ang mga suspek at dinala sa ospital kung saan naka-confine ang biktima at doon na kinumpirma ng biktimang sila nga ang namaril sa kanya nang araw ding iyon.

Blangko pa rin ang pulisya kung ano nga ba ang motibo ng pagpaslang lalo’t hindi pa aniya ito binabanggit ng biktima sa kanila. Pinaghihinalaang miyembro ng gun-for-hire ang nasabing mga suspek na ngayo’y nakakulong na sa Rosario police station at nahaharap sa kasong frustrated murder.

Nagpositibo naman sa gunpowder ang suspek na si Montevergen sa isinagawang paraffin test ng PNP Crime Lab kaya’t kumbinsido ang pulisyang malakas ang ebidensyang magdidiin sa nasabing suspek sa krimen.

Kahit na huli na ay todo tanggi pa rin ang mga suspek na sila ang nasa likod ng pamamaril kay Mapalad.

Giit nila lumabas lamang sila ng bahay nang araw ding iyon para kumuha ng ipinadalang remittance center nang sitahin at basta na lamang silang hulihin ng mga pulis sa ikinasang checkpoint.

 

This story can be published, broadcast and/or posted online provided The Filipino Connection and the article’s author/s are properly acknowledged. Editorial mistakes are the publisher’s. Correspondence: thefilipino.connection@gmail.com

 

About JENNA RODRIGUEZA