Retiradong pulis, hinoldap at pinatay sa Lipa

Lungsod ng Lipa, Batangas – Patay ang isang 56-anyos na retiradong pulis matapos na pagbabarilin ng holdaper sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Barangay Sabang nitong Miyerkules ng gabi.

Patay sa pamamaril ang biktimang nakilalang si Supreno Casabuena, na isa ring negosyante.

Ayon sa report ng pulisya, dakong alas-8 ng gabi, kadarating lamang ng biktima at ng kanyang misis na si Edna sa kanilang tahanan nang bigla na lamang dumating agn di kilalang mga suspek at tinutukan ng baril ang mag-asawa bago nagdeklara ng holdap.

Sapilitan nilang tinangay ang bag na naglalaman ng P60,000 na noo’y hawak ng biktima at binaril ito bago tumakas.

Naisugod pa sa pagamutan ang biktima pero idineklara na itong dead on arrival ng doktor.

Nakuha mula sa crime scene ang mga basyo ng di pa matukoy na kalibre ng baril.

Sa ngayon ay titingnan pa ng mga awtoridad ang mga kuha sa CCTV para matukoy ang mga pagkikilanlan ng mga tumakas na salarin.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

About JENNA RODRIGUEZA