Pulis sugatan sa pamamaril sa Lipa

Lungsod ng Lipa, Batangas – Nasa ospital pa rin ang isang 27 anyos na pulis na nasugatan matapos na pagbabarilin ng inaarestong suspek sa Barangay 1 nitong Lunes.

Kinilala ang biktimang si P02 Jerome Jay Mendoza.

Sa inisyal na imbestigasyon, pasado alas-2:10 ng madaling araw, tinatahak lamang ng biktima ang nasabing barangay lulan ng minamanehong motorsiklo nang mamataan nito ang suspek na si Michael Kalaw na pinagsusulatan ang tarpaulin na may mukha ni Lipa Mayor Meynardo Sabili.

Agad niyang sinita ang suspek at nagpakilalang pulis pero sa halip na tumigil at makinig ang suspej ay hinamon pa niya ang pulis ng suntukan.

Nang aarestohin na ni Mendoza ang suspek ay agad itong tumakbo palayo kung kayat hinabol niya ito lulan ng motorsiklo. Nang huhulihin na niya ang suspek ay nanlaban pa ito at sinuntok ang biktima hanggang sa tuluyan na naagawan ng baril ang biktima at kaagad na ipinutok sa kanya.

Agad na dinala sa ospital ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib habang naaresto naman ng mga pulis sa follow-up operation ang suspek na ngayo’y nakakulong na sa Lipa City Police Station habang inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya. Nakuha mula sa crime scene ang isang basyo at dalawang bala ng caliber 9 mm na baril.

About JENNA RODRIGUEZA