Pulis, namaril sa bar sa Lipa

Lungsod ng Lipa, Batangas – Arestado ang isang pulis matapos di umanong mamaril sa nakaalitan nitong biktima sa may VJ Bar sa Lipa, Batangas nitong Martes.

Kinilala ang suspek na si P01 Florencio Danglay, Jr. na miyembro ng Regional Public Safety Batallion Group. Kasalukuyang naka-hospital arrest ang suspek na nagtamo ng sugat sa ulo.

Nasa pagamutan din ang biktimang si Ferdinand Querijero na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang ala-1:30 ng madaling araw nang dumating ang biktima at ang tatlo niyang kasamahan sa nasabing bar nang datnan nila ang suspek na noo’y nag-iinom kasama ang mga kaibigan nito.

Maya maya pa’y bigla na lang umanong kinompronta ng suspek si Ruperto Semania na kaibigan ng biktima. Inawat naman ng mga kasamahan niya ang suspek pero nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng suspek na nauwi sa agawan ng baril.

Dala ng takot ay nagsialisan sa bar ang mga tao hanggang sa makita na lamang na tumatakbo palabas ng bar ang suspek habang ang biktima naman ay may tama ng bala sa kanyang kanang braso.

Agad dinala sa Lipa Medix Medical Center ang biktima habang sa Lipa City District Hospital naman ikinonfine ang suspek na may sugat sa ulo.

Narekober sa crime scene ang isang Glock 17 9 mm pistol at magazine nito na loaded ng siyam na bala, isang basyo, at PNP ID ng suspek na si Danglay.

Aabot naman sa P2,000 ang tinatayang halaga ng napinsalang ari-arian ng VJ Bar sa nasabing insidente habang nasa P7,285 naman ang di nabayarang bill ng suspek at ng ibang mga customers na umalis ng bar sanhi ng nasabing insidente.

Nakahospital arrest na ngayon sa Lipa City District Hospital ang suspek na gaya ng biktima ay nagpapagaling sa kanilang mga tinamong sugat.

About Jeremaiah Opiniano