Pulis, kulong matapos mamaril sa lamayan sa Lipa

Nabulabog ang mga residente ng Transville Subdivision matapos na mambaril at manutok ng baril ang isang ng pulis sa lamayan kagabi. (Larawan mula sa Lipa PNP)

Nabulabog ang mga residente ng Transville Subdivision matapos na mambaril at manutok ng baril ang isang pulis sa lamayan kagabi. (Larawan mula sa Lipa PNP)

Lungsod ng Lipa, Batangas – Diretso sa kulungan ang isang 25-taong gulang na pulis na di umano’y namaril at nanutok ng baril sa isang lamayan sa may Transville Subdivision, Barangay Banay-Banay nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si P01 Mark Luces, na miyembro ng Lemery Police Station at residente ng nasabing barangay.

Agaw-buhay naman at nasa intensive care unit pa rin ng Metro San Jose Medical Center ang biktimang si Rollex Manebo na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan.

Ayon sa report, dakong alas-11:20 ng gabi, nasa burol lamang ng kaibigang si Jeric Miranda ang suspek at ang biktima nang bigla umanong magkapikunan ang kaibigan ng suspek na si Harold Cabrera at ang isa pang nakikipaglamay na si Dabo Lacorte.

Sinubukan umanong awatin ni P01 Mark ang dalawa pero hinampas ito ng plastic bottle ni Dabo sa ulo kaya’t gumanti ng suntok ang suspek.

Sa puntong iyon ay nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng dalawa at tatagain na sana ng itak ng isang nagngangalang Allan ang pulis na si Mark pero nakatakbo ito.

medium shot suspekAyon sa mga testigo, saglit umanong umuwi ng bahay ang pulis pero bumalik umano ang suspek at tinutukan ng baril ang mga nakikipaglamay.

Tinutukan ng baril ng suspek si Ramil Cruz kaya’t nagpambuno ang suspek at ang biktimang si Rollex. Hinampas umano ng kahoy ng biktima ang suspek at matapos noon ay nakarinig na lamang ng tatlong sunod-sunod na putok ng baril hanggang sa natumba na lamang sa kalsada ang duguang biktima.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang insidente pero kinalaunan pagsapit ng alas-12:40 ng madaling araw ay boluntaryo rin itong sumuko sa pulisya.

Kaninang hapon ay nagsampa  na ng reklamong frustrated  murder at grave threats ang  pamilya ng biktima laban sa  suspek, na ngayo’y nakakulong  sa selda ng Lipa City Police  Station.

Depensa naman ng suspek sa  interview ng isang local TV  station, ipinagtanggol lamang  niya ang kanyang sarili kaya’t  nagawa niyang magpaputok ng baril.

Bagay na pinabulaanan naman ng mga kamag-anak ng biktima.

“Wala siya sa wisyo ng gabing iyon. Lahat ng nadoon tinutukan niya ng baril. Kundi pa napigilan eh baka lahat eh binaril na niya,” wika ng kaanak ni Rollex, na humiling na wag banggitin ang pangalan para na rin sa kanyang kaligtasan.

About Jeremaiah Opiniano