Nursing assistant, hinoldap sa Lipa

Lungsod ng Lipa, Batangas – Sugatan ang isang beinte kwatro anyos na nursing assistant matapos na paluin ng tubo sa ulo at holdapin ng di pa nakikilalang kawatan sa may JP Laurel Highway, Barangay Balintawaks nitong Huwebes.

Kinilala ang biktimang si Virgilio Pelagio.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Lipa City police, bandang ala-una y medya ng madaling araw, naglalakad lamang ang biktima sa kahabaan ng nasabing highway nang bigla na lang itong harangin ng dalawang di kilalang suspek na sakay ng tricycle at tsaka nagdeklara ng holdap.

Pumalag ang biktima sa mga suspek kaya’t hinampas ito ng tubo sa ulo ng isa sa mga suspek at puwersahang kinuha ang kanyang bag na naglalaman ng dalawang cellphone na nagkakahalagang P29,000, ATM card at perang nagkakahalagang P4,000.

Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa di pa malamang direksyon dala ang mga ninakaw habang dinala naman sa ospital ng isang concerned tricycle driver ang biktima, na ngayo’y nagpapagaling sa mga tinamo nitong sugat.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

About MARLON LUISTRO