Magsasakang nasa drug watchlist, patay sa pamamaril

Patay ang isang 43-anyos magsasakang kabilang sa drug watchlist ng pulisya matapos na pagbabarilin ng di pa nakikilalang suspek sa loob mismo ng kanyang tahanan sa Barangay Maugat East, Padre Garcia, Batangas nitong Martes.

 

Nasawi sa pamamaril ang biktimang kinilalang si Marciano Mendoza.

 

Wala nang buhay at naliligo na sa sariling dugo ang biktima nang datnan sa loob ng kusina ng kanyang bahay pasado alas-6 ng umaga nang araw ding iyon.

 

Kuwento ng kanyang kapitbahay, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang mamataan niya ang dalawang lalaking nakamotor na pumarada malapit sa bahay ng biktima.

 

Ilang sandali pa ay nakarinig siya ng sunod sunod na putok ng baril mula sa bahay ng biktima hanggang sa madiskubre na nga ang bangkay nito nang umaga ring iyon.

 

Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.

 

Iniimbestigahan pa ng pulisya kung may kinalaman nga ba sa onsehan sa droga ang motibo ng pamamaril lalot napag-alamang kabilang ang biktima sa drug watchlist ng nasabing bayan dahil sa umano’y pagkakadawit ng pangalan nito sa iligal na droga.

Pero di naman nila isinasantabi ang posibilidad na may iba pang motibo sa pagpaslang.

 

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

About Jeremaiah Opiniano