Lolo, patay matapos na mahit and run ng van sa San Juan, Batangas

San Juan, Batangas – Patay ang isang sisentay uno anyos na lolo matapos na mahit and run ng van sa may national highway, Barangay Tipas nitong Lunes.

Nasawi sa aksidente ang biktimang kinilalang si Rolando Vergara.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-singko kinse ng umaga, naglalakad lamang pauwi sa kanyang tahanan ang biktima nang bigla na lang itong mabuntol ng puting Mitsubishi L300 van dahilan para tumilapon ito sa damuhan sa gilid ng kalsada.

Imbes na tulungan ay diretsong humarurot lamang ang driver ng van at sa CCTV footage ng barangay ay makikita ang mabilis na pagdaan ng van papunta sa direksyon ng Candelaria, Quezon, na ayon sa nakasaksi ay siyang nakabundol sa lolo.

Hindi hagip sa CCTV video ang plate number ng naturang sasakyan kayat hanggang ngayon ay nananatili pa ring blangko ang mga otoridad.

 

Nagtamo ang biktima ng malubhang mga sugat at pasa sa katawan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

 

Hustisya naman ang sigaw ng mga kamag-anak ng biktima sa kanyang pagkamatay. Panawagan nila sa driver ng van, sumuko na sa pulisya at tulungan sa gastusin sa pagpapalibing ang mga naulila nito.

About JENNA RODRIGUEZA