Lalaki, arestado matapos mahulihan ng di lisensyadong baril

Lungsod ng Lipa, Batangas – Sa kulungan ang bagsak ng suspek na si Reynaldo Sarmiento matapos siyang mahulihan ng di lisensyadong baril ng mga nagpapatrolyang grupo ng kapulisan sa may JP laurel Highway, Barangay Balintawak nitong Martes.

Ayon sa report, dakong ala-1 ng madaling araw, rumoronda lamang ang patrol team ng Lipa City Police nang mapansin nila na may kahina-hinalang kilos ang biktima. Sa bewang nito ay tila may isang nakatagong bagay na bumubukol.

Kung kayat nilapitan nila ang suspek at nagpakilalang mga pulis. Dali daling tumakas papunta sa direksyon ng Barangay San Carlos hanggang sa na-corner na ito ng mga pulis. Nabawi mula sa kanya ang isang caliber 38 na baril na may lamang apat na bala.

Sa pag-iimbestiga ay napag-lamang di pala lisensyado ang naturang baril na bitbit ng suspek ng mga oras ding iyon.

Nakakulong na ngayon sa himpilan ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms.

Tumanggi namang magpainterview ang naturang suspek.

About Jeremaiah Opiniano