Kolehiyala, hinoldap sa Batangas

Kolehiyala, hinoldap sa Batangas

Lungsod ng Batangas, Batangas – Isang 22-anyos na kolehiyala ang nabiktima ng hinihinalang holdaper sa may Barangay Sta. Rita Karsada, Batangas City nitong Sabado.

Batay sa report, pasado alas-10:00 ng gabi, naghihintay lamang ng jeep papuntang city proper ang biktimang si Camille Angelica Ramos sa may national highway nang bigla na lang umano itong hampasin ng baril sa mukha ng di kilalang suspek sabay tangay ng kanyang body bag na naglalaman ng dalawang cellphone, Ipad at perang nagkakahalagang P4,000.

Aabot sa P12,000 ang halaga ng natangay na gamit at pera mula sa biktima.

Kaagad namang tumakas ang suspek at ang look-out nito sakay ng motorsiklo papuntang direksyon ng San Pascual habang dinala naman sa St. Patrick Hospital ang biktima para mabigyan ng karampatang lunas sa tinamo nitong sugat sa mukha.

Alas-10:15 na ng gabi nang maireport sa pulisya ng nurse ng St. Patrick Hospital ang nasabing insidente.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga salarin habang nagpapatuloy ang imbestigasyon na nasabing pagnanakaw.

About Jeremaiah Opiniano