[Editoryal] Kalungkutan sa MataasnaKahoy

 

Ang mga nagaganap sa bayan ng MataasnaKahoy kamakailan ay nag-iwan ng isang aral para sa mga botante roon: kahit ang bayan mo ay napaparangalan para sa “progresibong” pamamahalang local, hindi siya sapat upang magkaroon ng repormang pampulitika.

Ginawad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Seal of Good Housekeeping sa MataasnaKahoy noong taong 2011. Ang Seal of Good Housekeeping ay isang rekognisyon para sa isang lungsod, bayan o probinsya na maayon ang kanyang pamamahala. Maraming mga batayan ang pinagbasihan ng DILG para mapili ang isang LGU (local government unit) na makatanggap ng gawad na ito. Dahil sa Seal, nakatanggap ang Mataasnakahoy ng pabuya para sa isang proyektong pambayan.

Mukha namang napapaibayo ang pamamahala sa MataasnaKahoy. Sa panunungkulan ni Mayor Jay Ilagan, nakabili ng lupa ang bayan para pagtayuan ng una nitong palengke. Nagkaroon nga lang ng kakaibang twist: tila nagkamali ata ng layout ang tarpaulin para sa nasabing proyekto. May teksto sa ilalim ng tarpaulin na nagsasabing “This is where your taxes go” (dito napunta buwis ninyo), at sa ibabaw ng teksto na iyon, may mahabang arrow. Nakaturo ang arrow sa mukha ni Mayor Ilagan. (Kinunan ng litrato ng isang nagngangalang J.B. Angeles at ito’y nilagay sa Facebook).

“Pero wala sa akin iyan (tarpaulin), kasi malinis kami,” ayon kay Ilagan base sa isang ulat ng Manila Coconuts. “Ang mas nakakahiya, kung ma-COA kami (Commission on Audit).”

Ngunit hindi iyung hindi-sinasadyang pagkakamali sa tarpaulin ang naging problema ng MataaasnaKahoy. Ang alkaldeng si Ilagan ang nagkaproblema.

Siya ay pinaghahanap ng mga awtoridad dahil pinagbibintangan siyang gumahasa ng isang babae na tubong Lungsod ng Ormoc sa Leyte. Ang 19-anyos na babae ay napabalitang nagtatrabaho sa isang salon sa Lungsod ng Quezon sa Kalakhang Maynila, at ginahasa daw siya ni Ilagan sa isang pension house sa Ormoc noong ika-5 ng Nobyembre, taong 2013.

Sinasabing humingi ng tulong ang babae sa isang dating city prosecutor ng Lungsod ng Quezon, si Renante Terre, sa pagsumite ng demanda. Ayon sa babae, siya daw ay pinakiusap ng amo niya sa salon na samahan si Ilagan at tulungan na magtayo ng sariling salon sa Ormoc. Sabi rin ng sinumpaang salaysay ng babae na dumating si Ilagan at siya sa Cristina Business Suites ng umaga at iiwan ang babae roon; noong bumalik si Ilagan kinagabihan, sinasabing hinihipuan na ang babae. Nang tumanggi, pinagbibintangang sinuntok ni Ilagan ang babae sa tiyan. Matapos ang insidente, nagbigay umano ng P10,000 si Ilagan sa kanya at umalis.

Mariing pinabulaanan ni Ilagan ang parartang, ayon sa ulat ng Philippine Star (media partner ng The Filipino Connection). Wala ako sa Lungsod ng Quezon sa naturang petsa, sambit ni Ilagan.

Ngunit noong ika-20 ng Disyembre, sa isang lupang sakahan (farm) sa Barangay Santol na sinasabing pagmamay-ari ni Ilagan, ni-raid ng pulisya ang naturang lupang sakahan at nakakumpiska ng ilang baril. Hinahanap ng mga awtoridad si Ilagan, at ang warrant of arrest sa kanya ay iligal na pagmamay-ari ng mga bawal na baril at amunisyon. Wala si Ilagan sa naturang araw na iyon, ngunit nakopo ng pulisya ang mga sumusonod: STI Super 38 pistol, AK-47 rifle Armscor cal. 45 na pistol, na kasama sa suma total na 142 na mga baril at amunisyon, ayon kay Senior Supt. Ronald Lee ng Criminial Investigation and Detection Group (CIDG) sa Kalakhang Maynila.

Sinasabing mahigit isang taon na nagtago si Ilagan pero hindi primerong dahilan ang mga amunisyon na nataguan sa bahay niya. Kinasuhan siya ng panggahasa at human trafficking sa Ormoc. Siya ay boluntaryong sumuko sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) noong ika-25 ng Enero.

Hindi pa dito nagtapos ang problema ng MataasnaKahoy. Nagkaroon ng krisis sa pamamahala ang bayan dahilan ng pagtatago ni Ilagan. Sambit ni Bise Alkalde Henry Laqui, dahil matagal nang nawawala si Ilagan, ayaw magbigay ng awtoridad ang DILG na magkaroon muna ng tinatawag na caretaker ang MataasnaKahoy. Napapabalitang pumipirma pa raw ng mga tseke at papeles si Ilagan, ayon sa residenteng si Marcelo Bacalso, Jr.

“Mahirap po isipin na ang isang taong pinaghahanap ng batas ay patuloy na gumagala ng parang walang kinahaharap na kaso, at bagkus ay nakakaganap pa ng tungkulin bilang isang alkalde at nakakapirma ng mga usaping pinansiyal at pondo,” ayon kay Bacalso.

Si Laqui ay naghain ng mosyon sa Commission on Elections na kanselahin ang sertipiko ng kandidatura ni Ilagan bilang alkalde sa darating na eleksyon sa Mayo. Dahilan ni Laqui, may mga “maling dineklara” si Ilagan sa kanyang sertipiko ng kandidatura —na wala raw siyang mga kasong kinakaharap. Kaya dapat daw, sabi ni Laqui, kung mahigit isang taon na hindi nakikita si Ilagan, hindi na raw siya dapat kasama sa listahan ng mga kandidato.

Kaya ginawa nang acting mayor si Laqui nitong ika-18 ng Enero lamang ng DILG, sa kadahilanang nagiging isyu na ang seguridad sa bayan.

Kaya heto na’t papasok na tayo sa eleksyon sa Mayo. Wala ang MataasnaKahoy sa mga tinatawag na election hotspots ayon sa listahan ng Philippine National Police (PNP) noong Disyembre 2015. Asahan na ang mga kaganapan sa MataasnaKahoy nitong mga nakaraang lingo ang magpapalagay sa bayan bilang dagdag na election watchlist area (babantayang lugar sa panahon ng halalan). Hiwalay sa nakitang mga armas sa farm ni Ilagan, binaril noong ika-8 ng Hulyo, 2014 ang isang dating alkalde, si Arnulfo Rivera, sa Barangay Calingatan.

Nakalulungkot isipin na dinanas ng MataasnaKahoy, isang bayan na nakatanggap ng Seal of Good Housekeeping na gawad mula sa DILG, ang mga isyung ito. Natapat pa na kainitan ng panahon ng halalan nangyari ang mga naturang na kaganapan. Ang hamon sa mga residente ng bayan ay paano nila maiaalis ang MataasnaKahoy sa mga ganitong pangyayari sa pamamagitan ng kanilang boto sa darating na Mayo. Paano magiging mapagmatyag ang mga botante sa sinumang mga maaaring umupo sa puwesto magmula ngayon?

Sa takot na maaaring bumabalot sa bayan, matakot kaya ang mga kinauukulan sa mga tunay na boss ng MataasnaKahoy, ang mga residente nito?

About THE FILIPINO CONNECTION