Ginang, patay sa saksak ng hinihinalang magnanakaw sa Malvar

Loob ng bahay kung saan pinaslang ang biktimang si Evelyn Tasico. (MARLON LUISTRO)

Loob ng bahay kung saan pinaslang ang biktimang si Evelyn Tasico. (MARLON LUISTRO)

Malvar, Batangas – Sa pitong saksak ng patalim nagwakas ang buhay ng 38-anyos na ginang na minasaker sa loob mismo ng kanyang sariling tahanan sa Barangay San Juan nitong Lunes.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-11:40 ng gabi noong Lunes, natutulog lamang sa loob ng kwarto ang biktimang si Evelyn Tasico kasama ang kanyang 8-taong-gulang na anak nang bigla na lang silang pasukin ng di kilalang suspek at inundayan ng saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan bago tumakas.

Walang kamalay malay at nagising na lamang ang bata pati na ang kanyang dalawang kuya na nasa kabilang kwarto nang marinig nila ang malakas na pag-ungol ng noo’y sugatan at naghihingalo nilang ina.

Naisugod pa sa Daniel Mercado Medical Center sa Tanauan City ang biktima pero idineklara na siyang dead on arrival ng doktor. Habang ligtas at hindi naman napuruhan ang kanyang 8-anyos na anak.

Pagnanakaw ang isa sa mga tinitingnang anggulo ng pulisya sa pagpaslang bagaman wala namang nakuhang gamit at pera ang suspek lalo’t napag-alamang tuwing ika-18 ng buwan kinukuha ni Evelyn ang remittance galing sa kanyang mister na nagtatrabaho sa Italy at inakala umano ng suspek na may mananakaw siyang pera nang araw ing iyon.

Lumalabas sa imbestigasyon na bukas ang pinto sa likod ng bahay ng biktima at doon pinaniniwalaang dumaan ang suspek. Posibleng nasa aktong magnanakaw na aniya ang suspek pero nagulat ito nang magising ang biktimang si Evelyn kayat pinatay na niya ito sa saksak.

Hustisya naman ang panawagan ng mga naulilang kamag-anak ng biktima sa kanyang pagkasawi.

About JENNA RODRIGUEZA