[Editoryal] Isyung panghalalan sa Lipa: Droga

 

Nagsimula na ng kampanya para mga nais na maging opisyal sa lokal na pamahalaan. Magkatunggali sa Lungsod ng Lipa ang umuupong Alkalde na si Meynard Sabili at si Dating Piskayla Gary Mendoza.

Isang umuusbong na ekonomiya ang Lipa. Mga sinyales nito ang trapik sa Ayala Highway at sa Tambo Exit ng STAR Tollway; mga bagong negosyo o branches ng mga kilalang negosyo; at ilang mga ginagawang imprastrakturang pampubliko. Sa katunayan, ang mga buwis na binabayaran ng mga negosyante sa Lipa ay tumataas: mula sa P161.8 milyon noong taong 2011 ay naging P219.2 milyon ang business taxes noong 2014, ayon sa datos ng lungsod na ginamit ng National Competitiveness Council.

Hindi rin nga lang maikakaila na isang kinababahala ng mga Lipeño ang kriminalidad. Tila normal na ang kriminalidad sa isang umuusbong na lungsod.

Pero iba ang drugs. Masakit pakinggan ang bansag na kuta ng drug trafficking sa probinsya ng Batangas ang Lungsod ng Lipa.

Nitong nakaraang Marso 1, dalawang babae ang inaresto sa isang buy-bust operation ng Lipa City Police sa Barangay 7. Mga shabu na nagkakahalaga ng P13 milyon ang nasabat mula kina Cecil Cordova at Francy Calderon, parehong Batangueño.

Pero maliit pa yan sa isang napakalaking kaso na sangkot diumano na isang kartel na mula sa bansang Mexico noong taong 2013. Matatandaang nahuli ang Mexikano na si Horacio Hernandez Herrera sa pagbebenta ng cocaine na nagkakahalaga ng P12 milyon. (Sa isang korte sa Lungsod ng Makati noong nakaraang Agosto, nagsabi si Herrera sa korte na not guilty siya sa kasong isinampa ng pulisya.

Sinasabing si Herrera ang isa sa mga matataas na puno ng Sinaloan drug cartel ng Mexico na nakapasok sa Pilipinas. Noong araw ng Pasko ng taong 2013, nasabat ang mga shabu na nagkakahalaga na P420 milyon sa isang farm (sakahan) sa Lipa.

Sa isang kaugnay na kaganapan, patuloy pa ring pinaghahanap ng pulisya ang iba pang sinasabing sangkot sa kaso ng kartel na Sinaloan noong pasko ng 2013: sina Jaime Sanchez, Carlos Isaac Ochoa, Eduardo dela Vera at si Jorge Torres, isang Filipino-American. (Ang kartel na Sinaloa, na pinagngalanan sa isang state sa Mexico, ay sinasabing ikalimang pinakamalaking organized crime group sa buong mundo na nakalikom, ayon s amga estimasyon, ng kita halagang US$3 bilyon. Sinasabing sangkot ang naturang kartel sa drug trafficking at money laundering).

Huwag din nating kalimutan ang kasaysayan: noong 2001, nahuli ang siyam na Instik at isang Pilipino na nagluluto ng shabu sa Brgy. Sto. Niño. Hinatulan sila ng pagkakakulong at ng P5 milyon na multa.

Sinasabing ang pagkakahuli kina Cordova at Calderon noong nakaraang buwan ang siyang pinakamalaking halaga na nasabat sa kasaysayan ng kapulisan ng Lipa (tingnan ang katabing artikulo). Napag-alaman na tila malawak ang network ng mga drug trafficker: nire-repack daw sa Lipa ang mga shabu at dinadala sila sa ilang lugar sa mga probinsya ng Laguna (lungsod ng San Pablo at Calamba) at Batangas (mga bayan ng Calaca at Mabini) at pati sa Kalakhang Maynila.

Mayroon pa rin namang mga nahuhuli na suspek sa iba’t ibang kaso pero may kinalaman pa rin ito sa drugs at iligal na pagdadala ng di-lisensyadong baril. Ngunit hindi na maikakaila na isang isyu sa seguridad ng Lipa ang droga.

Sa pasimula ng kampanya nitong ika-26 ng Marso, may ilang tumatakbo bilang gobernador ng Batangas at alkalde at congressman ng Lungsod ng Lipa ang nagsasabing prayoridad nila ang droga. Simula sa ika-1 ng Hulyo, unang araw ng mga bagong halal sa Lungsod ng Lipa, simula na kayang madurog ang tatak ng lungsod na ito pagdating sa droga?

About THE FILIPINO CONNECTION