[Editorials of The Connection] Bantay pulisya hamon sa mga Lipeño

 

NAYANIG ang sambayanan sa mga sunud-sunod na patayan na siyang lakip ng kampanya kontra droga ng kasalukuyang administrasyon. Tila naging laman itong mga patayan ng balita at ng emosyon ng mga nasa social media at sa labas ng Internet ang takot na dulot ng sunud-sunod na paslangan. Tumatak sa konsensya natin ang mga kabataang napapatay —kesyo sinasabing sangkot sila di-umano sa pagtutulak ng droga o hindi. Pati iyung paraan ng pagpaslang sa kanila ay nakababahala.

Wala ng buhay nang matagpuan ang lalaking ito sa may kanal sa Sto. tomas, Batangas (courtesy Sto. Tomas PNP)

Wala ng buhay nang matagpuan ang lalaking ito sa may kanal sa Sto. Tomas, Batangas (photo courtesy of Sto. Tomas PNP)

May isa pang nakababahala sa mga balitang ito: ang kapulisan na sana’y tatanggol sa mga mamamayan ay sinasabing sangkot sa mga insidenteng ito.

At ang sambayanan ay dapat huwag itigil ang pagbabantay sa mga aksyon ng kapulisan.

May dalawang pandaigdigang sarbey na mapapaisip ang sinuman sa atin, kanino ka man panig, kung bakit ganoon ang kinalabasan. Ang isa ay ang tinatawag na Global Impunity Index, gawa ng University of the Americas Puebla sa bansang Mexico. Sa edisyon ng naturang sarbey nitong 2017 (basihan: taong 2016), unang-una ang Pilipinas sa 69 bansa na nasuri. Malayo ang iskor ng Pilipinas (75.60) sa tala ng pumangalawa sa ranggo na India (70.94). Base sa datos ng mga bansa sa seguridad ang tala ng Global Impunity Index.

Iyung iba, iisipin na bunsod ito ng pinaigting na kampanya kontra droga na siyang sumupil sa may mga higit na 9,000 katao ayon sa datos ng Philippine National Police (maaaring mas mataas pa). Isama mo na rin iyung mga insidente sangkot ang mga sinasabing bandidong grupo. Iyung iba naman, sasabihin nila na mas nagtatrabaho ang kapulisan upang lutasin ang araw-araw na kriminalidad sa atin.

Pero may isa pang sarbey na may dagdag na tanong tungkol sa kapulisan. Ito ay ang Global Law and Order Index ng grupong Gallup (nakabase sa Estados Unidos). Ika-apat na edisyon ang sarbey nitong nakaraang taon, at dito nadagdag ang tanong tungkol sa kapulisan. Wala ang tanong na ito sa mga nakaraang sarbey kaya hindi puwedeng ikumpara ang mga dati at ang kasalukuyang resulta.

Sa sarbey ngayon, ang index score ng Pilipinas ay 82 porsiyento. Ranggo natin ay ika-45 hanggang ika-48 dahil may tatlo pang bansa na may kahalintulad na index score. Mas mataas ang tala natin sa ilang mauunlad na mga bansa —Korea (81), France, Italy (80), halimbawa— na tila mas ligtas at ang patayan ay mas madalang. Base ang Global Law and Order Index sa pandaigdigang sarbey ng Gallup sa iba’t ibang aspeto ng buhay (bawat bansa ay may 1,000 respondent sa sarbey ng Gallup).

Isipin mo ang kaugnayan: tayo ang bansang may pinakamataas na index score tungkol sa pananaw sa mga patayan, pero medyo may tiwala ang mga Pilipino sa seguridad? Magtataka ka kung ang mga resultang ito ay naaayon (valid). Sa Lungsod ng Lipa na nga lang, tingnan mo: drayber ng dyip, patay sa Barangay Talisay noong ika-27 ng Setyembre. May apat din na bangkay na natagpuan sa isang tanke ng tubig sa Brgy. San Francisco noong ika-19 ng Setyembre. Parang normal na sa ating mga Pilipino ang araw-araw na mga insidenteng ganito. Manood ka nalang sa telebisyon, at mga ganitong balita ang bungad ng manonood.

At dito sa Pilipinas, babantayan mo mga kagamitan mo, hahawakan mo nang maigi ang bag mo, o kahit nananahimik ka sa bahay mo ay may titimbang sa iyo.

Iyung ating kapulisan naman ginagawa ang kanilang makakaya para sa lumalagong populasyon. Hindi naman lahat sila matitino na siya ring kinaaasaran natin at ng ating mga halal na opisyal. Marami namang pulis ang nagsusumikap na gampanan ang kanilang mandato. Pero magtataka ka bakit may mga istasyon ng pulis eh napapalitan ang buong kapuwersahan at nalilipat sa iba at iilang buwan pa lamang.

Sa mga mamamayan, ang aral ay disiplina. Pero tayo rin marahil ay kinailangang maging mapag-matiyag sa mga tagapagtanggol natin: ang mga pulis. Na sana gawin nila ang trabaho nila ayon sa batas at mga tamang regulasyon, na may respeto sa karapatang pantao. Huwag rin sana nilang kalimutan ang katapatan nila ay sa mamamayan, at ang hangarin na maitaguyod ang kaligtasan at kapayapaan sa ating mga komunidad. Ang tao naman, kapag nakikitang may mga pulis na tapat sa tungkulin, tutulong din naman sila.

Iba ang mga panahon ngayon sa Pilipinas bunsod ng tila matutulis na pagsasalungat ng iba’t ibang kampo. Pero magiging mas iba ang panahon ngayon kung ang kapulisan natin mismo ay “kalaban” na ayon sa pananaw ng mga tao. Huwag naman sana.

 

 

This piece can be published, broadcast and/or published online provided The Filipino Connection is properly acknowledged. Editorial mistakes are the publisher’s. Email: thefilipino.connection@gmail.com.

About THE FILIPINO CONNECTION