Driver na umano’y nagmura at nagbanta sa traffic enforcer, arestado

Lungsod ng Lipa, Batangas – Arestado sa kasong grave threat at oral defamation ang isang jeepney driver matapos di umanong murahin nito ang dalawang traffic enforcer sa may Tambo Exit ng Star Tollway nitong Martes.

Kinilala ang suspek na si Noel Siscar,46, taga Alitagtag, Batangas.

Pasado alas-8:30 ng umaga nang sitahin umano ng mga biktimang traffic enforcers na sila Jaime Nario at Ronald Sario ang suspek na nagtatawag umano at nagsasakay ng pasahero sa ipinagbabawal na lugar.

Pinaalis umano ng mga enforcer ang driver pero bigla na lang umanong minura ang mga ito at sinabing “Hindi ka mapakiusapan, may paglalagyan ka sa kin.” Tuluyan nang umalis ang driver pagkasambit ng masasakit na salita.

Pero nilista ng traffic enforcers ang plate number ng jeep para matandaan. Pagbalik ng jeep ay agad na inaresto ng mga enforcer ang driver at tsaka dinala sa himpilan ng pulisya.

Bukod sa grave threat at oral defamation ay sinampahan din sa Lipa City Prosecutors Office ng kasong paglabag sa RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code ang driver ng jeep.

About Jeremaiah Opiniano