Dahil sa selos, lalaki patay sa saksak sa Malvar

Malvar, Batangas – Selos ang nakikitang motibo ng pulisya sa nangyaring pananaksak na ikinasawi ng isang lalaki sa may Latayan Street, Barangay Poblacion ng bayang ito.

Nakilala ang biktimang si Eugene Boncarlos,28, taga- Barangay San Pioquinto sa bayang nabanggit.

Ayon sa report, dakong alas-4:40 ng hapon, naglalakad lang sa nasabing kalsada ang biktima at kausap ang kanyang katrabaho nang bigla na lang umanong dumating ang suspek na si Arnold Pena na may hawak na kutsilyo at pinagsasaksak ang biktima.

Agad na tumakas ang suspek habang isinugod pa sa pagamutan ang biktima subalit idineklara na itong dead on arrival ng doktor.

Kabilang sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya sa pagpatay ay ang selos lalo’t napag-alamang kinakasama pala ng biktima ang dating asawa ng suspek.

Tinutugis na ng pulisya ang tumakas na suspek na nahaharap sa kasong murder.

About Jeremaiah Opiniano