Barangay Justice binugbog ng mga lasing sa Lipa

Lungsod ng Lipa, Batangas – Nasa ospital pa rin ang katarunang pambarangay na si Mariano Sayat na nasugatan matapos na bugbugin at saksakin ng inaawat niyang grupo ng mga lasing na suspek sa Barangay Balintawak nitong Miyerkules.

Ayon sa report, dumadalo lamang sa isang birthday party ang biktima nang mag-ingay ang mga suspek na sila Ronald, Lupe, Joseph at Noli Amazona. Sinita umano ni Sayat ang mga suspek, pero nagalit ang mga ito.

Ginulpi umano ng mga suspek ang biktima. Sinaksak sa kanyang tiyan at hinampas ng martilyo sa taas ng kanyang mata at baba.

Naisugod pa sa Lipa District Hospital ang biktima para sa agarang lunas, at kalaunay inilipat sa Batangas  Regional Hospital para mabigyan ng karagdagang atensyong pangmedikal.

Kinagabihan ay nahuli ng mga pulis ang isa sa mga suspek na si Noli Amazona  habang pinag hahanap pa ang iba pang kasama nito.

About Jeremaiah Opiniano