Babaeng umano’y miyembro ng Budol-Budol Gang, arestado

Lungsod ng Lipa, Batangas – Kalaboso sa isinagawang entrapment operation ng pulisya ang isang babaeng umano’y miyembro ng Budol-Budol Gang na kamakailanlang ay nambiktima sa isang 80 anyos na retired teacher.

Nakilala ang suspek na si Teresita Ramos, 59, taga-Muntinlupa.

Ayon sa biktimang si Lourdes Virey, inutusan umano siya ni Ramos at ng tatlo pang suspek na magwithdraw ng perang nagkakahalagang P500,000 sa BPI Lipa branch kapalit ng bag na naglalaman ng P2 milyon at ilang mga alahas.

Tingin ni Virrey ay niloloko na siya ng mga suspek kaya’t humingi na siya ng tulong sa pulis.

Pasado alas-9:05 ng umaga nang magsagawa ng joint operation ang pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Branch at Lipa City Police sa nasabing bangko kung saan di umano mangyayari ang withdrawal pero tanging si Ramos lamang ang nadakip ng mga otoridad habang nakatakas ang tatlo pa nitong kasamahan.

Napag-alamang dati na palang naloko ng mga suspek ang biktima na nawalan ng P40,000 at alahas na nagkakahalagang P374,110 sa nasabing mga transaksyon bago ang entrapment.

Kinasuhan na ng swindling ang suspek pero pansamantala itong nakalaya matapos na magpiyansa habang patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang iba pang tumakas nitong kasamahan.

About Jeremaiah Opiniano