Aabot sa P13 milyong halaga ng droga, nasabat sa buy bust sa Lipa

Lungsod ng Lipa, Batangas – Aabot sa 1.645 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang mahigit 13 milyong piso ang nasabat ng mga operatiba ng Anti-Illegal Drugs Operation Task Force ng Lipa City PNP sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay 7 nitong Lunes ng hapon.

Huli sa aktong nagbebenta ng iligal na droga ang mga suspek na sila Francy Calderon at Cecil Cordova.

Ito na ang pinakamalaking halaga ng nabawing na droga sa lungsod sa kasaysayan ng Lipa City PNP ayon sa hepe na si Police Supt. Barnard Dasugo.

Ayon sa pulisya, dalawang linggo rin nilang minanmanan ang kilos ng mga suspek bago nasakote kahapon sa nasabing buy bust sa tulong na rin ng ilang mga impormante.

Tinangka pa nga raw tumakas ng suspek na si Francy at nagtago sa inuupahan nilang apartment pero nahuli ito ng mga pulis.

Nabawi sa mga suspek ang dalawang plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu, tatlong digital weighing scales, P3,000 marked money, P10,000 cash, mga cellphones, bank deposit slips at notebook na naglalaman ng kanilang mga transaksyon sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.

Ayon sa pulisya, posibleng miyembro umano ng sindikato ang nasabing mga suspek at malawak ang kanilang network of distribution lalo’t kung pagbabatayan din lang ang notebook ay makikitang hindi lamang sa Lipa at sa mga karatig lalawigan sa Batangas ang operasyon ng grupo kundi maging sa probinsya ng Laguna, Cavite at hanggang sa Metro Manila ay nagbebenta rin sila ng ipinagbabawal na gamot.

Nakalagay din sa notebook kung saan, kailan at gaano karaming bulto ng shabu ang ibebenta sa isang lugar.

Matapos umanong magbenta ng droga ay idinedeposit ito ng mga suspek sa iba’t-ibang mga bank account ng magkakaiba ring pangalan. Magkakahiwalay din ang branches ng BDO ang kanilang hinuhulugan ng pera.

Sa kanilang imbestigasyon ay lumalabas na sa isang alyas Elvis umano kumukuha ng droga ang mga suspek bago ito idini-distribute sa kanilang target na area.

Aminado ang hepe ng pulisya na si Police Supt. Barnard Dasugo na maging sila ay nagulat at hindi nila sukat akalaing aabot sa P13 milyon ang street value ng makukuha nila sa buy bust operation lalo’t buong akala nila ay maliit na halaga ng droga lamang ang kanilang makukuha mula sa mga mga ito. Kaya nga nasa P3,000 ang dala nilang marked money para sa operasyon.

Naniniwala ang pulisya na malaki ang epekto ng pagkakahuli ng dalawa para pansamantalang mabawasan ang supply ng ibinebentang droga sa Batangas at sa iba pang lugar sa Pilipinas at sa ngayon ay patuloy ang kanilang imbestigasyon para mahuli si alyas Elvis at kung sinumang grupo o sindikdatong nasa likod ng dalawang suspek.

Todo tanggi naman sa paratang ang mga suspek na tumangging magpainterview sa media.

Sasampahan sila ng kasong possession and sale of illegal drugs sa Lipa City Prosecutors Office.

About JENNA RODRIGUEZA