Kolumnista ng Peoples Tonite at driver, sugatan sa pamamaril sa Batangas City

medium shot tama ng bala sa likod

Lungsod ng Batangas, Batangas – Sugatan ang isang 65-anyos na kolumnista ng People’s Tonite matapos na tambangan ng di pa nakikilalang suspek sa isang bahay sa Barangay Kumintang Ilaya nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Crisenciano Ibon. Damay din sa pamamaril ang driver na si Gerry Ebreo na nasugatan sa tama ng bala sa kanang braso at ngayoy nagpapagaling sa Batangas Medical Center.

Ayon sa report ng pulisya, bandang alas-8:40 ng gabi, nanonood lamang ng TV ang mga biktima sa bahay ng isang Rose Mary Mendoza nang bigla na lang silang paulanan ng bala ng di kilalang mga suspek.

Kaagad namang tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril. Narekober mula sa crime scene ang isang basyo ng caliber 45 pistol at dalawang metal fragments.

Kasalukuyang nagpapagaling sa St. Camillus Hospital sa Batangas City si Ibon habang nasa Batangas Medical Center naman ang biktimang si Ebreo. Kapwa sila nasa stable condition na.

Bukod sa trabaho ng biktimang si Ibon bilang mamamahayag ay iniimbestigahan pa ng mga pulis ang iba pang mga posibleng motibo sa krimen.

Bumuo na rin ng Special Investigation Task Group ang Batangas provincial police na siyang tututok sa imbestigasyon sa kasong pamamaril kay Ibon.

About JENNA RODRIGUEZA