3 tumakas na preso sa Mataas na Kahoy, pinaghahanap

CU mugshots suspects
Mataas na Kahoy, Batangas – Pinaghahanap pa rin ngayon ng pulisya ang tatlo sa apat na tumakas na preso sa may selda ng Mataas na Kahoy Police Station nitong Biyernes.

Nakilala ang mga presong sila Nikko Malaluan, na may kasong drug trafficking, illegal possession of firearms at direct assault upon agent of authority; Erwin Kalalo na may kasong rape at Marjun Villaluz na may kasong robbery.

Pinaghahanap din ng mga pulis ang 15-anyos na nakababatang kapatid ni Villaluz na kasamang tumakas ng mga preso.

Nauna nang inaresto sa pulisya sa lungsod ng Lipa ang isa pang tumakas na presong si Roy Jasper Gonzales, na may kasong drug trafficking. Pasado alas-10:30 ng umaga nang hulihin ng mga pulis ang preso na noo’y namamalagi sa bahay ng kanyang kamag-anak.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang pagtakas sa pagitan ng alas-2:30 hanggang alas-4:00 ng madaling araw.

Bandang alas 4:15 ng madaling araw nang madiskubre ng pulis na si P02 Jojo Munoz na nakabukas ang temporary lock up jail sa nasabing himpilan at nawawala na ang 4 na suspek na tumakas nang araw ding iyon.

Ayon padin sa report, nabuksan umano ng mga preso ang selda matapos na nakawin ng nakakababatang 15-anyos na kapatid ni Villaluz ang susi sa nasabing guwardiya.

Ang nasabing binatilyo ay nasa kustodiya ng pulisya nang araw ding iyon matapos na iturnover ng Municipal Social Welfare and Development Office dahil na rin sa kawalan ng holding facility.

Nasakote naman ng pulisya sa follow-up operation sa Villa de Lipa sa Barangay Marauoy, Lipa City kagabi ang isa pang suspek na si Mary Ann Togonon na ayon sa mga testigo ay nakipagsabwatan para patakasin ang apat na preso.

Dinala umano ni Togonon ang mga preso sa isang di pa mabatid na lugar sa Cavite gamit ang kanyang puting Toyota Rav4 na sasakyan.

Nabawi rin mula sa itim na body bag ng suspek ang drug paraphernalia. Sasampahan si Togonon ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Delivery of prison from jail.

About Jeremaiah Opiniano