3 suspek sa panloloob sa bahay ng Lipa City Hall employee, arestado

Lungsod ng Lipa, Batangas – Arestado sa isinagawang follow-up operation pulisya ang tatlong suspek na umano’y nagnakaw ng gamit mula sa bahay ng Lipa City Hall employee na si Crizaldy Manalo nitong Lunes.

Nakilala ang mga suspek na sila Eleno Calise alyas Baka, 37, taga-Barangay San Carlos; Jursem Villapando, 33, taga-Barangay Mataas na Lupa at Abraham De Castro alyas Hammel, 34, taga-Barangay Sico.

Aabot sa P31,000 ang halaga ng ninakaw na laptop, cellphone at alahas ng mga suspek mula sa biktima.

Bukod sa robbery ay posibleng maharap sa patong na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek, na umano’y kapwa nahulihan ng mga ipinagbabawal na gamot sa isinagawang operasyon ng pulisya.

Ayon sa report, dakong alas-6:35 ng hapon nang magsagawa ng follow-up operation ang elemento ng Special Operation Group at Intelligence ng Lipa City Police Station para hulihin ang naturang mga suspek na positibong kinilala ng testigo na siyang nagnakaw ng mga gamit sa bahay ni Manalo.

Bandang alas-7:45 ng gabi nang makorner ng otoridad ang mga suspek sa may B. Morada Avenue sa Mataas na Lupa.

Nabawi mula kay Calise ang isang sachet ng hinihinalang shabu at habang dalawang hinihinalang dahon ng marijuana ang nakuha naman mula kay Villapando. Naaktuhan naman ng pulisya si De Castro na patagong nag-aabot ng hinihinalang shabu sa isang di kilalang lalaki, na nakatakas sa mga nanghuhuling pulis.

Nang kapkapan ay nabawi nila mula kay De Castro ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu at hinihinalang upos ng marijuana.

Isasailalim naman ng pulisya sa drug test ang mga suspek para malaman kung positibo nga bang gumagamit ang mga ito ng ipinagbabawal na droga, habang ang mga nakumpiskang umano’y droga naman ay sasailalim din sa laboratory examination ng Regional Crime Laboratory Office sa Camp Vicente Lim, Calamba, Laguna.

About Jeremaiah Opiniano