2 kabilang ang nasa drug watchlist patay sa pamamaril

Dalawang lalaki, kabilang na ang isang nasa drug watchlist ng pulisya ang patay matapos na tambangan ng riding in tandem sa Barangay Pagaspas, Tanauan, Batangas.

 

Patay sa pamamaril ang mga biktimang kinilalang sila Alvin Andaya, na kabilang sa drug watchlist at ang kaangkas niya sa motor na si Catalino Tuiza.

 

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-9:55 ng umaga nitong Miyerkules, tinatahak lamang ng mga biktima ang kalsada sa nasabing barangay lulan ng motorsiklo nang pagbabarilin sila ng di kilalang mga suspek na naging sanhi ng kanilang agarang kamatayan.

 

Mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng motorsiklo. Nabawi mula sa crime scene ang dalawang basyo ng di pa matukoy na kalibre ng baril.

 

Blangko pa rin ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga tumakas na suspek dahil na rin sa kawalan ng testigo sa lugar.

 

Iniimbestigahan pa kung may kinalaman nga ba sa onsehan sa droga ang motibo ng pagpaslang lalo’t kabilang sa drug watchlist at hinihinalang pusher umano ang isa sa mga biktimang si Andaya.

 

About Jeremaiah Opiniano