1 patay sa salpukan ng jeep at tricycle sa Lipa

Lungsod ng Lipa, Batangas – Patay ang isang 56-anyos na lalaki makaraang mabundol ng jeep ang minamaneho niyang tricycle sa Barangay San Isidro, Lipa, Batangas nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ang biktimang nakilalang si Felipe Sarmiento, isang magbabakal.

Sa inisyal na imbestigasyon, pasado alas-7 ng gabi nitong Miyerkules binabagtas lamang ng biktima ang nasabing kalsada papuntang Barangay Muntingpulo nang bigla na lang umanong umovertake ang kasalubong nitong pampasaherong jeep at sumalpok sa kaliwang bahagi ng tricycle.

Sa lakas ng impact ay tumilapon sa may gilid ng kalsada ang tricycle at nagtamo ng malalang sugat sa dibdib at iba’t-ibang parte ng katawan ang biktimang si Felipe. Humiwalay din ang side car sa motor.

Naisugod pa sa ospital ang biktima subalit binawian na rin ito ng buhay habang ginagamot ng doktor. Mabilis namang tumakas ang driver ng jeep at suspek na si Randy Mojica matapos na iwan na lamang sa kalsada ang naaksidente nitong jeep.

Labis ang dalamhati ng mga kamag-anak ng biktima sa kanyang pagkasawi. Masama ang loob nila sa driver lalo’t sa halip na tulungan ay tinakasan pa umano niya ang nabanggang si Felipe.

Panawagan nila ay hustisya sa kanyang pagkamatay.

Pinag-aaralan na ng pamilya ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa tumakas na driver ng jeep.

 

About Jeremaiah Opiniano