1 patay, 2 sugatan sa pamamaril sa jeep sa Lipa

Lungsod ng Lipa, Batangas – Isa ang patay habang dalawang iba pa ang sugatan matapos na pagbabarilin ng di pa nakikilalang suspek ang loob ng isang pampasaherong jeep sa Barangay Banay Banay nitong Lunes.

 

Wala pang pagkakakilanlan ang pulisya sa nasawing biktima na tinatayang nasa edad 30-40 anyos, habang sugatan at nagpapagaling pa rin sa Metro San Jose Medical Center ang mga biktimang sila Earl Asilo at Romeo Mayo, na nadamay sa pamamaril.

 

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong ala-1:50 ng hapon, sakay ng jeep ang mga biktima na noo’y papunta sa direksyon ng Cuenca, Batangas nang bigla na lang binaril ng di kilalang gunman ang biktima na noo’y nakaupo sa bahaging likuran ng jeep habang tinamaan naman ng ligaw na bala sa kaliwang braso at kaliwang paa ang mga pasaherong sila Asilo at Mayo.

 

Agad na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril. Nakuha mula sa crime scene ang walong basyo ng caliber 9 mm. Patuloy ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng namatay na biktima at ng suspek at ang motibo sa pagpaslang.

About JENNA RODRIGUEZA